MANILA, Philippines - Kinasuhan ng graft at plunder sa tanggapan ng Ombudsman si Senate Majority Floor Leader Alan Peter Cayetano at kanyang asawa na si Taguig City Mayor Lani Cayetano.
Sa kanyang reklamo, sinabi ng law professor na si Atty. Roderick Vera ng Philippine Association for the Advocacy of Civil Liberties, armado siya ng mga katibayan at dokumento na nagpapatunay na may ginawang katiwalian ang mag-asawa.
Isa na anya rito ang ginawang pagbili ng mga ito ng 18 “overpriced” multicabs na may halagang $11,381 bawat isa gamit umano ang P9-milyong halaga ng pork barrel ng naturang mambabatas noong 2012.
Nagkaroon naman ng kasong pandarambong si Mayor Lani nang kumuha umano ng libong mga manggagawa sa Taguig na pawang “ghost employees”.
Sinasabi rin anya sa report mula sa Commission on Audit (COA) na ang mag-asawang Cayetano ay mayroong mga hindi maipaliwanag na yaman na taun-taon ay tumataas.