MANILA, Philippines - Naiwasan sana ang pagkakadiskaril ng isang tren ng MRT kung hindi binalewala ng dalawang ahensiya ang babala ng Kongreso sa MRT3.
Pinuna ni Abakada Rep. Jonathan dela Cruz na noon pang isang taon ay binalaan na ang DOTC at ang MRT sa mga pagdinig ng House Committee on Transportation at sa mga budget hearings na ang MRT3 ay isang aksidenteng naghihintay na mangyari.
“Hindi kami pinakinggan. Kahit na kinwestyon namin ang dalawang beses na paglipat ng kontrata sa pagpapatakbo at maintenance para sa mga tren,” ayon kay dela Cruz.
Mahigpit na nanawagan si dela Cruz para sa isang agaran at masusing inspeksyon ng lahat ng tren ng MRT upang matiyak ang kaligtasang bumiyahe ng mga ito.
Dapat din anyang maimbestigahan ng Kongreso ang mga kontrata ng MRT, lalo pa sa maintenance at pagpaliwanagin ang lahat ng kasalukuyan at nakaraang opisyal nito, lalo na si Ginoong Al Vitangcol.
Pinagpapaliwanag din ng solon ang mga opisyales ng DOTC at MRT kung bakit mula sa mahigit 70 ay bumaba na sa mahigit 40 na lamang ang bilang ng mga tren na tumatakbo sa nakalipas na apat na ton.
Pinuna rin na walang malinaw na ginagawa ang MRT sa iba pang problema gaya ng sobrang siksikan at haba ng pila ng mga pasahero. (BQ)