MANILA, Philippines - Simula Setyembre 6, puwede nang magparehistro sa ilang mga malls ang mga botante para sa 2016 elections.
Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) chair Sixto Brillantes na ang registration, validation at biometrics ay maaaring isagawa sa ilang Robinson’s Malls tulad ng Robinson’s Forum, Galleria, Place at Metro East mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Paliwanag ni Brillantes, kailangan nilang isagawa ang ideya dahil masyado umanong mababa ang nagpaparehistro sa kanilang tanggapan.
Una nang sinabi ni Brillantes na hindi umano sila kuntento sa turnout ng voter’s registration nitong nakaraang tatlong buwan.
Tinatayang umaabot lamang sa 500,000 ang mga bagong botante na mababa sa inasahang 9.3 million registrants na target ng Comelec.