MANILA, Philippines - Pinasasagot ng Tanggapan ng Ombudsman sina Makati Mayor Jejomar Erwin “Jun Jun” Binay at 20 iba pa kaugnay sa mga paratang na grave abuse of authority, grave misconduct at gross neglect of duty na isinampa laban sa kanila kamakailan.
Ang mga reklamo ay isinampa ng grupong United Makati Against Corruption (UMAC) sa pangunguna ni Atty. Renato Bondal na nagsabing pinatungan umano ng humigit kumulang sa P1.6 bilyon ang konstruksyon ng Makati City Parking Building simula noong alkalde pa si Vice-President Jejomar Binay hanggang sa maluklok ang anak nitong si Jun-Jun.
Binigyan ng Ombudsman ng 10 araw pagka-tanggap sa kautusan ang mga sangkot sa kaso para magsumite ng kanilang counter-affidavit. Sa kanilang reklamo, sinabi ni Bondal na may P1.6 bilyon ang ginugol sa pagtatayo ng 11-palapag na gusali.
Nauna rito isiniwalat ng Commission on Audit (COA) na gumastos ang pamahalaan ng Makati City ng P2.7 bilyon para sa proyekto.
Ayon kay Bondal, dapat na 245 milyon at 558 daan libong piso at 248 piso lamang ang ginugol para sa gusali batay sa pagtaya ng National Statistics Office (NSO) ng tamang presyo ng konstruksyon noong panahong ginawa ang proyekto.
Nakatakdang maghain ng karagdagang reklamo si Bondal upang amyendahan ang naunang demanda na magpapakita ng kabuuang P2.7 bilyon na nagastos sa parking building sa darating na linggo.
Sa kabila nito, sinabi ni Makati City Resident Auditor Cecilia Caga-anan na matuwid lamang ang nagastos nina Binay na halaga sa gusali dahil kailangang tustusan ang pagpapatatag sa building dahil itinayo ito sa ‘di ka-kagandahang klase ng lupa.
Pinabulaanan ito ni Bondal na nagsabing ang reglamento sa pagtatayo ng mga gusali sa siyudad ay magkaka-halintulad at walang dahilan para umabot sa P2.7 bilyon ang gastusin sa parking building.