MANILA, Philippines - Dagsa na naman muli sa Albay ang maraming foreign tourists, wala pang isang buwan pagkatapos salantain ito ni Typhoon Glenda.
Masayang sinalubong sa bagong Albay International Gateway (AIG) dito nitong nakaraang Agosto 8 ang 154 Chinese tourists, sakay ng isang Cebu Pacific Airlines direct flight mula sa Xiamen, China. Ang grupo ay una sa ‘18-cycle, three-month running contract flights’ ng Cebu Pacific mula Agosto 8 hanggang Oktubre 10 ngayong taon.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, ang mga kaganapang ito ay bunga ng ‘resilient tourism program’ ng lalawigan, na mabilis na kumilos upang makabangon agad, lalo na sa turismo, mula sa pananalasa ni Glenda. Binugbog ni Glenda ang Albay ng mahigit pitong oras noong Hulyo 16.
Itinatag ang AIG sa ilalim ng Executive Order 29, kung saan itinalaga ang Legazpi City bilang isang ‘international gateway’ para sa mga direct flights mula sa mga foreign tourism markets. Ito ay itinuturing na isang ‘breakthrough’ sa turismo para sa isang LGU at nakipag-ugnayan ang Albay sa mga world capitals. China, Korea at Taiwan ang mga unang target.