MANILA, Philippines - Bumagsak sa mga operatiba ng PNP-Intelligence Group ang dating banker at pinsan ni dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo kaugnay ng pagkakasangkot nito sa P230M syndicated estafa sa isinagawang operasyon nitong Martes ng hapon sa Ayala Alabang, Muntinlupa City.
Kinilala ni PNP spokesman Chief Supt. Reuben Theodore Sindac ang naarestong negosyante na si Benito Ramon “Bomboy” Araneta.
Si Araneta ay nahaharap sa 15 counts ng syndicated estafa sa pagkawala ng P230M na pera ng mga depositors na nagbunsod sa pagkabangkarote ng LBC bank.
Ang kaso laban kay Araneta ay nag-ugat sa inihaing reklamo ng Philippine Deposit Insurance Company (PDIC) na matatagpuan sa Ayala Avenue, Makati City para sa LBC Bank depositors noong 2006. Ang LBC ay nai-takeover ng PDIC dahil na-bankrupt.
Sinasabing si Araneta ay naakusahang humiram ng P230M na walang ibinigay na collateral na siyang nagbunsod sa pagkabangkarote ng ‘thrift bank’ na pag-aari ng pinsan nitong si Carlos Araneta na ang pamilya ay siya ring may kontrol sa LBC remittance at cargo forwarding firm.
Bukod kay Araneta ay kinasuhan din si LBC Bank chairman at president Ma. Eliza Berenguer.
Nakakulong sa PNP-IG sa Camp Crame si Araneta at walang inirekomendang piyansa rito.