Draft decision ng HRET, nag-leak

MANILA, Philippines - Nag-leak umano ang isang draft decision ng isang kasong diringgin pa lang sa Agosto 28, 2014 ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET).

Ibinunyag ni Marindu­que Cong. Regina Reyes na ang naturang draft decision, na sinasabing iprinepara ng isang prominenteng Associate Justice ng Korte Suprema, ay nagsi-circulate na umano sa mga miyembro ng HRET upang umano’y ikondis­yon at impluwensyahan ang kanilang disposisyon sa kaso at katigan ang desisyon ng Comelec at ng Supreme Court na nagdidiskuwalipika sa pwesto kay Reyes.

Nadiskubre mismo ng kampo ni Reyes ang draft na umiikot sa mga HRET members.

Napasakamay ni Reyes ang kopya ng draft matapos siyang bigyan ng isang nagmamalasakit na co-member ng Kongreso, na nakatanggap ng kopya ng draft.

Ang insidente ay lumutang kasunod nang isang ulat na kamakailan ay ilang miyembro ng HRET umano ang nakasama sa dinner sa New York ni Lord Alan Velasco, nakatunggali ni Reyes sa katatapos na eleksyon.

Dahil dito, nanawagan si Reyes sa mga miyembro ng HRET na manindigan sa kanilang sariling kumbiksyon at huwag mag­pa-impluwensya sa mga aniya’y hakbang ng kanyang kalaban.

Umapela rin siya sa House Speaker, bilang anak sa kanyang ama, na protektahan ang dignidad ng kanyang proklamasyon gayundin ang integridad ng buong House of Representatives sa pamamagitan nang pagbibigay sa kanya ng patas na pagdinig.

Show comments