MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong graft sa tanggapan ng Ombudsman si DOJ Undersecretary Francisco Baraan II at administrative assistant nitong si Paula Blanche Garcia kaugnay ng umano’y suhulan sa kaso ng Maguindanao Massacre.
Sa naisampang reklamo ng nagpakilalang si Jerramy Joson, inamin nitong siya ang nagpalabas ng isang notebook na pag-aari ng abogado ng mga Ampatuan na si Atty. Arnel Manaloto at misis nitong si Jenny na kanyang mga kaibigan.
Nakalakip din sa reklamo ni Joson ang larawan ni Garcia at photocopy ng anim na pahina ng notebook na mayroong listahan ng mga pangalan at halaga ng pera.
Sinabi ni Joson na biktima siya ng umano’y panghihingi ng suhol ni Baraan gamit ang kanyang administrative assistant na si Garcia.
Nagbanta naman si Baraan na kakasuhan ng perjury ang mga nag-aakusa sa kanya na sangkot sa kontrobersiyal na isyu. Sinasabing si Baraan ang tumanggap ng may pinaka malaking suhol.
Una rito, ibinunyag ni Myrna Reblando, misis ng napaslang na Manila Bulletin reporter na si Alejandro “Bong” Reblando na siya ay sinusuhulan umano ng P3 milyon ng mga Ampatuan para lamang maiatras ang kanyang kaso sa mga akusado sa krimen.