MANILA, Philippines - Panibagong magandang balita ang sasalubong sa mga motorista ngayong Lunes makaraang magpatupad ng halos pisong tapyas-presyo ang ilang kumpanya ng langis.
Sa advisory ng independent player Flying V, nasa P.90 sentimos ang kanilang itatapyas sa presyo ng kanilang gasoline dakong alas-12:00 ng madaling araw.
Nag-anunsyo rin ng rollback ang isa pang small player na PTT at miyembro ng Big 3 na Petron Corporation na kapwa magbabawas ng P.85 sentimos kada litro sa gasoline.
Wala namang pagtatapyas sa presyo ng iba pang produktong petrolyo tulad ng diesel at kerosene.
Inaantabayanan rin ang anunsyo ng iba pang kumpanya ng langis na inaasahang susunod sa pagbabago sa presyo sa gasolina.
Nitong nakaraang linggo ay nagtapyas ang mga kumpanya ng langis ng P.75 kada litro sa gasolina habang nagdagdag naman ng P.35 sa diesel at P.25 sa kerosene.