MANILA, Philippines - May 50 overseas Filipino workers (OFWs) na lumikas mula sa magulong Libya ang nakatakda nang umuwi sa bansa matapos na ligtas na makatawid sa border ng Tunisia.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, nakipagkita si DFA Secretary Albert del Rosario noong Agosto 2 sa may 50 OFWs na ligtas na nakatawid sa Ras Ajdir ng Tunisian border.
Mula sa nasabing lugar, dinala ang mga Pinoy evacuees sa Djerba, kung saan pansamantala silang nananatili habang nag-aantabay ng kanilang pag-uwi sa Manila. Inaasahang darating ngayong Lunes sa Pilipinas ang nasabing mga OFWs.
Sinabi ni del Rosario na ang nasabing batch ang panghuli na nakatawid sa border bago ito tuluyang isara.
Pinuri ng kalihim ang katapangan ng mga OFWs sa pagtawid sa border sa kabila ng panganib na kanilang sinuong dahil sa matinding bakbakan sa nasabing rehiyon.
Tiniyak ni del Rosario sa mga Pinoy sa naganap nilang pulong na ibibigay ng pamahalaan ang lahat ng tulong upang masiguro ang kanilang kaligtasan matapos na pakinggan nito ang hinaing ng mga OFWs.
Nagtungo si del Rosario sa Tunisia upang personal na pangasiwaan ang isinasagawang paglilikas sa mga Pinoy sa Libya.
Sa tala, mula sa 13,000 Pinoy sa Libya, may 831 pa lamang ang na-repatriate simula nang ipatupad ang voluntary at mandatory repatriation ng gobyerno.