MANILA, Philippines - Nasa 95 overseas Filipino workers (OFWs) sa Libya ang uuwi na rin sa Pilipinas dahil sa banta sa seguridad dulot ng kaguluhang pulitikal doon.
Personal na nakipagpulong si Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Albert del Rosario sa mga Pinoy na nagsabing handa na silang umuwi.
Ang naturang batch ng 95 OFWs ay nakatawid na sa Tunisian border ng Ras Ajdir sakay ng bus noong Hulyo 31.
Pansamantala silang nananatili sa isla ng Djerba, 120 kilometro ang layo mula sa border, habang hinihintay ang flight pa-Maynila ngayong Linggo.
Tiniyak ni del Rosario ang patuloy na pag-alalay sa kanila ng pamahalaan.
Hiling naman ng kalihim, hikayatin na rin ng OFWs ang ibang kababayan na pumayag sa mandatory repatriation para hindi na madamay sa kaguluhan sa Libya.
Tinatayang 13,000 ang mga Pinoy doon. Hanggang nitong nakaraang linggo, pumalo pa lang sa 800 ang nakakauwi sa Pilipinas habang may 200 ang pinoproseso ang pag-uwi sa Philippine Embassy sa Tripoli.
Matatandaang itinaas na ng DFA ang crisis alert level 4 sa Libya.