Mamamayan sa Zambales umapela sa DENR

MANILA, Philippines - Umaapela sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang iba’t ibang stakeholders sa Zambales na umano’y labis nang naaapektuhan ng pansamantalang pagpapatigil ng operasyon ng ilang lehitimong minahan sa lalawigan.

Sa ipinadalang pahayag, ipinunto ng mga manggagawa sa minahan at mga mamamayan mula sa hindi bababa sa 10 barangay sa ilang bayan ng Zambales, na malaking dagok sa kabuhayan ng mga pamilya ruon ang suspensyon lalo na’t ang pagmimina lamang ang kanilang pinagkukunan ng kabuhayan sa loob ng 79 taon.

Tinungo ng mga manggagawa, maliliit na negos­yante, minero at iba pang grupo ng mga mamamayan sa Zambales ang DENR-Mines and Geosciences Bureau Central Office upang makiusap na maibalik na ang operasyon ng mga responsableng minahan duon.

Wala naman anilang inilatag na alternatibong kabuhayan para sa daan-daang manggagawa ng mga minahan na naapektuhan ng suspensyon.

“Malaki po ang naging epekto nito sa aming kabuhayan, sa pagpapa-aral ng aming mga anak at sa araw-araw naming pangangailangan, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan ay wala kaming pagkukunan ng aming pagkakakitaan,” ayon sa manipesto ng grupo ng mga kababaihan sa bayan ng Sta. Cruz.

Nakatugon naman anila ang ilang sinuspindeng minahan sa hinihinging requirements ng DENR kabilang ang konstruksyon ng settling ponds at reforestation program kaya’t makatwiran lamang na payagan silang magpatuloy sa operasyon.

Show comments