PNP tumanggap ng higit P3B na DAP

MANILA, Philippines – Bukod sa nakuhang P72.8 bilyon na pondo para sa taong 2013, nakatanggap pa ng hindi bababa sa P3 bilyon mula sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) ang Philippine National Police.

Nagmula ang impormasyon sa inilabas na papeles ng Department of Budget and Management kung saan nakasaad ang mga nakatanggap ng DAP na nito lamang ay idineklarang ng Korte Suprema na hindi naaayon sa Saligang Batas.

Ilan sa mga pinondohan ng DAP para sa PNP ay ang P45 milyon na pagpapagawa ng PNP Maritime Group Training Facility sa Mabini, Batangas; P8.722 milyon na pagpapagawa ng PNP Crisis Action Force Building sa Camp Crame; P115.556 milyon para sa pagpapatupad ng "P1,000 per capita/personnel for every police station pursuant to Special Provision No. 8 of Fiscal Year 2011 GAA RA 10147.”

Kabilang din sa mga pinaggastusan ang P100 milyon na “ requirements of the DILG transfer to the newly built 30-storey Napolcom building in Quezon Avenue.”

Nagpagawa rin ng 20 bagong police stations ang PNP na nagkakahalaga ng P128.210 milyon; pagpapagawa at pagkuha ng mga non-uniformed personnel sa halagang P860.705 milyon at P2 bilyon para sa PNP modernization program.

Ipinatupad ang DAP noong 2011 para mapabilis na magawa ang mga proyekto.

Iginiit ni Aquino na hindi napunta sa bulsa ang DAP at nakinabang ang publiko dito.

Show comments