MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Senator Cynthia A. Villar na nakahanda silang tumulong para maresolba ang problema ng Pasig River sa water lilies na nakaaapekto sa operasyon ng bagong bukas na river ferry system.
Nauna nang ipinahayag ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Planning Officer Rey Lunas na minomonitor nila ang mabilis na pagdami ng water lilies sa Pasig River na nagiging sagabal sa pag-usad ng ferry boats.
Binigyan diin niya na bukod sa tambak ng basura, bumabara rin sa propeller at filter ng ferry boat ang sangdamukal na water lilies.
Aniya, mabuti na lamang at maaaring iangat ang propeller ng ferry boat para matanggal ang mga nakabarang tambak na water lilies at basura.
Upang matugunan ang suliranin sa water lilies, sinabi ni Villar na ang Villar SIPAG (Social Institute for Poverty Alleviation and Governance) ay maaaring magbigay ng pagsasanay kung saan ang lahat ng interesado ay tinuturuang maglala (weave) ng waterlily stalks para gawing basket gaya ng laundry baskets at bayong, banig, tsinelas at furniture.
Bukod sa matatanggal ang water lililes sa Pasig River na bahagi ng kanyang environmental, advocacies, sinabi pa ni Villar na makapagbibigay din sila ng pangkabuhayang oportunidad para kumita o magkaroon ng karagdagang kita sa paggawa ng mga kapaki-pakinabang na produkto mula sa water lilies.