Sapat na suplay ng bilihin pinatitiyak

MANILA, Philippines - Pinatitiyak ni Senador Bam Aquino sa Department of Trade and Industry (DTI) at Local Government Units (LGUs) na mayroong sapat na suplay  ng basic goods at iba pang mahalagang bilihin sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Glenda upang maiwasan ang pagtaas ng presyo.

Ayon kay Aquino, madalas tumataas ang presyo ng bilihin sa mga lugar na tinatamaan ng kalamidad dahil sa kakulangan ng suplay.

Ipinaalala rin ni Aquino sa mga negosyante sa mga lugar na inilagay sa state of calamity na sumunod sa 60-araw na price freeze na ibinaba ng DTI.

Ang mga lugar na ito ay Obando, Bataan, Muntinlupa, Cavite, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay at Gumaca, Quezon.

Kabilang sa mga produktong saklaw ng price freeze ay de-latang isda at iba pang de-latang produkto, gatas, kape, sabon, kandila, tinapay, asin, gulay, asukal, mantika, uling at mga gamot na tinukoy na mahalaga ng Department of Health.

Nanawagan din ang senador sa mga negosyante na huwag magtaas ng presyo ng construction at building materials bilang tulong na rin sa mga nag-aayos ng mga tahanang sinira ng bagyo.

 

Show comments