Ex-Makati Vice Mayor pinagbabayad ng P1-M VP Binay wagi sa libel case

MANILA, Philippines - Napatunayan ng isang korte na nagka­sala si dating Makati City Vice Mayor Roberto Brillante sa kasong libelo na isinampa laban sa kanya ni Vice President Jejomar C. Binay.

Sa isang desisyon noong Hunyo 30, 2014, inatasan ni Makati Regional Trial Court Branch 62 Judge Selma Palacio Alaras si Brillante na magbayad ng mahigit P1-milyong piso na kinabibilangan ng P500,000 danyos-pinsala kay Binay na dating alkalde ng natu­rang lungsod, multang P6,000 at P500,000 moral damage na kailangang bayaran ni Brillante sa Bise Presidente.

Idinemanda ni Binay ng libelo si Brillante noong 2006 nang magpalabas ng pahayag ang huli na nagsasaad na sinuhulan ng una ang tatlong justices ng Sandiganbayan para manalo siya sa isang kasong graft.

Naunang ibinasura ng Sandiganbayan ang isang kasong isinampa ni Brillante laban sa da­ting Makati Mayor Ele­nita Binay (maybahay ng Bise Presidente) at siyam pang dahilan dahil sa kawalan ng sapat na basihan.

Sinabi naman ni Brillante sa isang radio program at sa isang pulong-balitaan na nagresulta sa pagkakabasura sa kaso ang tinatawag niyang lobby money.

Inireklamo naman ni Binay sa kanyang testimonya na ang pahayag ni Brillante ay nagpakalat ng kamalisyosohan at sumira sa kanyang pangalan, reputasyon, integridad at karangalan bilang lingkod-bayan.

Ayon sa korte, nabigo si Brillante na maging matapat nang hindi niya mapatunayan o bineri­pika muna ang kanyang ibinibintang bago ito ipinalathala at ang kanyang impormasyon ay tsismis lang na ipinakalat ng sino man na walang mapagkikilanlan.

 

Show comments