MANILA, Philippines - Patay ang isang miyembro ng mga pinaghihinalaang bandido na umatake sa isang banana plantation makaraang makasagupa ng mga nagrespondeng tropa ng militar sa Tulunan, North Cotabato kamakalawa.
Gayunman, ayon kay AFP –Eastern Mindanao Command (AFP-Eastern Mindanao) Spokesman Captain Alberto Caber, kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan sa napaslang na biktima.
Sinabi ni Caber, naganap ang bakbakan may ilang metro ang layo mula sa Delinas Banana Plantation sa Sitio Pedtad, Brgy. Dugos, Tulunan, North Cotabato bandang alas-10:30 ng umaga.
Bago ang bakbakan ay sinalakay ng mga armadong grupo sa pamumuno ni Sukarno Sultan at Lingguna Sultan ang nasabing banana plantation at sinunog ang dalawang backhoe, isang Boom truck spray at dalawang diesel engines.
Matapos ang insidente ay mabilis na nagsitakas ang mga bandido na nakasagupa ng mga nagrespondeng elemento ng Army’s 39th Infantry Battalion at ng mga miyembro ng lokal na pulisya.
Ang bakbakan ay nagresulta sa pagkamatay ng isang bandido na inabandona ng mga nagsitakas nitong mga kasamahan.
Nabatid na ang P659 M Delinas Development Corporation ay subsidiary ng Del Monte Fresh Produce Philippines Inc. Samantalang tinataya namang aabot sa P30 milyon ang pinsala sa pag-atake ng mga bandido.
Iniimbestigahan naman ang anggulo ng ekstorsyon sa posibleng motibo ng nasabing pag-atake.