CBCP sa Pangulo: Hatol ng SC sa DAP, irespeto

MANILA, Philippines - Dapat ay irespeto ng Pangulong Benigno Aquino III ang hatol o desisyon ng  Korte Suprema  sa Disbursement Accelaration Program (DAP)  at  manatiling mapagpakumbaba sa prinsipyo ng demokrasya para sa kabutihan ng bansa.

Ito ang  reaksiyon ng Catholic Bishops  Conference of the Philippines (CBCP) sa mga national address ng Pangulong Aquino kamakalawa nang idepensa nito ang DAP fund kahit idineklarang unconstitutional ng Supreme Court (SC).

Ayon kay CBCP President Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, dapat irespeto ang desisyon ng SC. Kung may pagkakamali, dapat aminin na lamang at itama.

Kailangang tandaan umano ng lahat na mandato ng hudikatura na kumilala sa batas na may kawastuhan sa bawat mahahalagang isyu.

Magugunita na 13 ang pabor habang isa ang nag-abstain sa naging botohan ng SC nang ideklara nilang unconstitutional ang DAP.

Sa depensa ng Pangulong Aquino, pinagbatayan umano ng pagkakalikha ng DAP ay ang Section 39 ng Administrative Code of 1987 na nagbibigay kapangyarihan sa presidente na gamitin ang savings ng pamahalaan para sa ibang proyekto.

Bumawi naman ang CBCP sa pagsasabing igalang din dapat ang opinyon ng Pangulo laban sa desisyon ng Supreme Court pero dapat ay isaalang-alang din umano ang Rule of Law para maiwasan ang pagkakaroon ng krisis sa bansa.

Show comments