MANILA, Philippines - Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang Motion for Reconsideration (MR) ng tinaguriang “pork barrel” queen na si Janet Lim Napoles na humihiling na ibasura ang kasong illegal detention na isinampa laban sa kanya ng whistleblower na si Benhur Luy.
Sa dalawang pahinang resolution ni Associate Justice Ramon Garcia, walang nakitang merito sa apela ni Napoles at wala ring bagong argumento para baligtarin ang naunang desisyon ng korte.
Sa nasabing desisyon, walang pag-abuso sa pagpapalabas ni Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 Judge Elmo Alameda ng warrant of arrest laban sa umano’y utak ng pork barrel scam.
Nag-ugat ang kaso laban kay Napoles sa umano’y tatlong buwang pagditine sa dati niyang tauhan at ngayo’y pork barrel scam whistleblower na si Benhur Luy mula Disyembre 2012 hanggang Marso 2013.