MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si United Nationalist Alliance (UNA) Secretary General Toby Tiangco kay Pangulong Aquino na itigil na ang pagtatanggol sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
Dapat anyang mag-move on na ang Pangulo at mas tutukan ang kanyang trabaho kaysa sayangin ang kanyang panahon sa pagtatanggol sa iligal na gawain ng kanyang mga tauhan.
Takdang magsalita ngayong araw na ito nang live sa telebisyon ang Pangulo at inaasahang pangangatwiranan niya ang DAP pero marami ang naniniwala na gagamitin niya ang airtime para pabanguhin ang kanyang sarili mula sa mga kapalpakan ng kanyang administrasyon.
“Hindi mabibigyang-katwiran ng anumang paliwanag ang bagay na maling-mali. Simple lang ang prinsipyo: Walang sino man na mas mataas kaysa sa batas. Hindi nga po kayo gumagamit ng wang-wang pero direkta naman po ninyong nilalabag ang Konstitusyong pinanumpaan ninyong ipagtanggol at itataguyod,” sabi pa ni Tiangco.
Ipinagtataka ni Tiangco kung bakit ang Pangulo at ang mga kaalyado nito sa Liberal Party ay nagsasayang ng oras sa pagtatanggol sa DAP na idineklara na ng Mataas na Hukuman na labag sa Konstitusyon.
“Sila mismo sa Administrasyon ang nagsabi na hangad ng Pangulo na ipagpatuloy ang mga reporma sa huling dalawang taon ng kanyang termino. Hinihikayat ko ang Pangulo na gamitin ang dalawang taong ito para mapaangat ang buhay ng ating mamamayan sa halip na ipagtanggol ang DAP. Maraming taong hanggang ngayon ay wala pa ring maayos na malilipatan sa mga lugar na sinalanta ng Yolanda. Maraming umaasa at naghihintay magkaroon ng trabaho,” dagdag niya.