MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko sa pagbili o paggamit ng hindi rehistradong medicinal drop na nagsasabing nakalulunas sa iba’t ibang karamdaman sa mata, ilong, tainga at bibig.
Paglilinaw ng FDA sa ipinalabas nitong advisory, ang produktong “Power Drops” na ibinebenta sa merkado ay walang FDA registration.
Ayon sa FDA, nakasaad sa product label ng produkto na magaling itong lunas sa katarata, glaucoma, pamumula ng mata, pagluluha ng mata, ptyregium, myopia, presbyopia, nasal polyps, runny nose, ear infection, oral thrush, toothache at tooth decay.
Kung ang nagpo-prodyus o nagdi-distribute nito na Living Power International Corp., ay lisensyado lamang bilang food distributor, importer, exporter at wholesaler, hindi siya maituturing na lisensiyang drug distributor.
Tinukoy rin ng FDA na ang label mismo ng produkto ay nagtataglay ng statement para sa mga food supplements na “No approved therapeutic claims” gayung ang produktong Power Drops ay klasipikado bilang gamot.