Gigi Reyes naospital sa panic attack

MANILA, Philippines - Isinugod sa ospital ang dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile na si Atty. Gigi Reyes makaraang dumanas ng severe panic attack, ilang sandali matapos itong ilipat sa Bureau of Jail Management and Peno­logy (BJMP) Female Dormitory sa Camp Bagong Diwa, Taguig City mula Sandiganbayan sa Quezon City nitong Miyerkoles ng gabi.

Naka-confine ngayon sa Taguig Pateros District Hospital si Reyes na dinala sa naturang pagamutan bandang 1:05 ng Huwebes ng madaling araw.

Sinasabing inatake ang ginang na naging dahilan ng seizures ma­tapos ang ginawang booking procedure sa kanya sa naturang kampo.

Ayon kay Dr. Prudencio Sta. Lucia, medical director ng ospital, dumaranas ng anxiety disorder at hypertension si Reyes.

Inireklamo ni Reyes ang kanyang palpitations o iregular na pagpintig ng puso nang isugod ito sa ospital bukod pa sa matinding kaba at paninigas ng mga kamay at paa nito.

Matapos ang basic laboratory examinations, napag-alamang nakaranas ng hypertensive urgency at neurocirculatory asthenia si Reyes.

Tinututukan din ng mga doktor ang cardiac arrhythmia dahil sa his­tory ni Reyes ng dyspepsia, coronary artery disease at Bell’s palsy.

Sa pagamutan, binig­yan naman ng gamot kontra hypertension, anxiety at pananakit ng katawan si Reyes.

Bagamat guma­ganda na ang kundisyon ni Reyes kahapon ng uma­ga ay patuloy itong nasa pagamutan para imonitor ang lagay nito at mabilis na paggaling.

Wala namang itinakdang araw na ilalabas ng pagamutan si Reyes dahil sinabi ng mga doctor doon na magpapalabas sila ng  medical bulletin ni Reyes ngayong Biyernes.

Bunsod nito, muling nagsampa ng mosyon ang kampo ni Reyes sa Sandiganbayan para ikonsidera ang paglilipat ni Reyes sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.

Idinadahilan ng mga abogado ni Reyes na bukod sa karamdaman ay andun din umano sa Camp Bagong Diwa ang siyam na babaeng miyembro ng NPA na maaaring magdagdag ng anxiety sa kliyente.

 

Show comments