MANILA, Philippines - Nagastos ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang may P1.1 bilyong pondo mula sa Disbursement Acceleration Program (DAP) ng pamahalaang Aquino sa mga pekeng scholars noong 2011.
Ito ang ibinunyag ng Commission on Audit (COA) batay sa pagbusising ginawa sa naturang pondo na nailaan ng gobyerno sa TESDA para sa mga programa sa mga mag-aaral mula sa DAP.
Ayon sa COA sa programang State of the Nation Address ni Jessica Sojo sa GMANewstv, may 61 trainees ang sinasabing dumalo sa multiple training courses ng Tesda pero imposible umano na maka-attend ng naturang kurso sa parehong oras ang mga trainees sa iba’t ibang mga training programs na naisagawa ng overlapping dates.
Nalaman din umano ng COA na ang 46 trainees sa nabanggit na bilang ay nakumpirma nilang hindi pumasok sa naturang training course habang mayroon dito ang nagsasabing hindi matandaan kung ano ang ginawa sa training program.
Hindi rin umano makontak sa nailagay nilang telephone numbers ang may 218 scholars na sinasabing nakinabang sa programa.
Ang lahat ng sinasabi ng COA ay mariin namang pinabulaanan ni TESDA director general Joel Villanueva at anya’y wala itong katotohanan.
Nalaman din ng COA na sa P1.1 billion DAP funds na nailaan sa TESDA noong 2011 ay may natira ditong P109 milyon na hindi pa nagastos.
Pero, ayon sa COA kahit may natirang pondo sa P1.1 billion DAP funds, hindi rin naman nagamit ng TESDA ang P109 milyon para tulungan ang mamamayan na magkaroon ng trabaho at hindi nagamit para maibsan ang kahirapan sa bansa na mandate ng Tesda sa pamahalaan.