MANILA, Philippines - Hindi dapat basta-basta maniwala ang publiko sa mga advertisements na nagkalat hanggang sa social media na kinalolokohan ng mga babae para sumeksi o pumayat.
Ito ang babala ng Food and Drugs Administration (FDA) matapos mamonitor nila na ang ‘Optrimax Plum Delite’ na makikita sa websites ng ‘Optrimax Plum Delite’ na www.plumdelite.com at OLX.com at natuklasang gumagamit ito sa patalastas, promosyon at pag-aalok para ibenta ang produkto na may false claims. Nilinaw ng FDA na ang ‘Optrimax Plum Delite Pickled Plum with Probiotics and Green Tea Mix’ ay rehistrado lamang sa kanilang tanggapan bilang food product sa ilalim ng category II (FR-94883).
Iginiit ng FDA na ang pahayag na ang produkto ay tamang paraan ng pagbabawas ng timbang ng walang diet at ehersisyo ay mali at mapanlinlang dahil ang Optrimax ay hindi naman isang weight loss product.
“The Food and Drug Administration strongly advises the public that processed food products are given approval by FDA only for human consumption and should not carry any therapeutic claims in their advertisements. To claim that the use of Optrimax Plum Delite is ‘the right way to lose weight without diet and exercise’ is false and deceiving, since Optrimax Plum is not a weight loss drug product,” bahagi pa ng FDA Advisory 2014-051. Ayon sa FDA, ang panlilinlang ng mga consumer gamit ang maling advertisement, promosyon at sale ay malinaw na paglabag sa mga probisyon ng Republic Act No. 3720 as amended by Republic Act No. 9711.
Pinayuhan pa ng FDA ang publiko na maging mapanuri sa mga patalastas ng mga health products na kanilang bibilhin, partikular na kung mula sa internet at huwag umasa lamang sa impormasyon at advertisement na ibinibigay ng mga online seller o advertiser.