MANILA, Philippines - Iginiit ng Malacañang na walang marching order si Pangulong Benigno Aquino lll sa kanyang mga kaalyado sa Kamara para harangin ang isasampang impeachment complaint laban sa kanya.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na mismong ang mga kaalyado ng Pangulo ang nagpahayag na hindi nila susuportahan ang anumang hakbang para sa impeachment laban sa Punong Ehekutibo.
“Pero nagsalita na po ‘yung mga kaalyado. Sila po ‘yung nagsabi na hindi po sila makikibahagi sa kahit anong impeachment complaint laban sa Pangulo dahil po dito sa Disbursement Acceleration Program,” wika pa ni Valte.
Idinagdag pa ni Valte, umaasa din ang Palasyo na hindi makakasagabal sa trabaho ng Kongreso ang anumang isasampang impeachment complaint laban sa Pangulo.
Kabilang sa inaasahang mabibigyan ng prayoridad ng Kongreso ay ang Bangsamoro Basic Law (BBL), wika pa ni Valte.