MANILA, Philippines – Mula nang makulong sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ay nagulo ang Philippine National Police Custodial Center, ayon sa iba pang mga preso.
Dahil dito, higit 50 preso ang pumirma sa sulat-kamay na pahayag kung saan nais nilang ilipat ng kulungan ang dalawang senador na nagdala ng kaguluhan sa kanilang lugar.
"Ang tunay na solusyon ay ang paglipat ng mga senador sa kulungang akma sa sitwasyon nila," pahayag ng 58 pumirma sa petisyon, kabilang ang mga bagong salang na mag-asawa na sina Benito at Wilma Tiamzon.
Kabilang sa mga lumagda ang mga high-profile na preso na sina Supt. Hansel Marantan, sangkot sa Atimonan massacre, at ang mismong aide ni Revilla at kapwa akusadong si Richard Cambe.
Ipinagtanggol din ng mga preso ang kanilang warden na si Police Supt. Mario Malana.
Anila, mula nang pamunuan ni Malana ang Custodial Center ay ngayon lamang nagkaroon ng kaguluhan at isyu matapos pumasok ang dalawang senador.
"Ang alingasngas sa madaling araw na pag-uwi ng mga bisita sa selebrasyon ng anibersaryo sa kasal in Sen. Estrada ay labis na pinalaki ng media reports at ngayon ang warden, si P/Supt. Malana, ay pinagpapaliwanag," pahayag nila.
"Pero hindi makalulutas ng problema ang pagpapalit ng warden dahil ang problema ay ang dalawang senador na nakukulong dito at ang sobrang tutok ng media sa kanila."
Sinabi pa nila na nirerespeto ni Malana ang kanilang karapatan bilang mga preso kaya namna hindi solusyon ang pagpalit sa kanya.
"Kaya umaapela kami sa trimedia para ikonsidera ang naipahayag namin dito at nang maisaayos ang kalagayan dito para sa kabutihan ng lahat.”