MANILA, Philippines - Dahilan sa hinaing ng pamilya at mga kaibigan nina Sens. Jinggoy Estrada at Bong Revilla, pinalawig na ng PNP Custodial Center ang visiting hours ng dalawang opisyal na nililitis sa kasong plunder kaugnay ng P10 bilyong pork barrel scam.
Ayon kay Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, kung noong una ay tuwing Huwebes at Linggo lamang mula alas-9 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon puwedeng dalawin sina Jinggoy at Bong, puwera Lunes ay maaari na ang mga itong bisitahin araw-araw.
Umpisa kahapon ay epektibo na ang pinalawig na visiting hours para kina Revilla kung saan tuwing Martes hanggang Biyernes ay tuwing ala-1 ng hapon hanggang alas-5 ng hapon. Tuwing Sabado at Linggo naman ay mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Una nang umani ng kontrobersya ang paglagpas sa oras ng visiting hours sa pamilya at mga kaibigan ng dalawang senador na inabot ng hanggang alas-3 ng madaling araw noong Hunyo 29 sa halip na hanggang alas-3 lang ng hapon nitong nagdaang Sabado.
Itinakda naman ang araw ng Lunes sa general cleaning at laundry day.