MANILA, Philippines - Naniniwala ang Movement Against Graft and Abuse of Power (MAGAP) na binalewala ni Comelec chairman Sixto Brillantes ang kautusan ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ukol sa pagprotekta sa Precinct-Count Optical Scanner (PCOS) machines.
Sinabi ni Jonas Sinel, spokesman ng MAGAP, ito ang nakapaloob sa kanilang petisyon sa PET laban kay Chairman Brillantes.
Bukod sa MAGAP ay kasama sa nagpetisyon sa Korte Suprema sina Alicia C. Lazaga, Joel B. Abalos at Ricardo M. Bautista ng San Juan City.
Sa 11-pahinang petisyon ng grupo sa PET ay nais nilang maging intervenor sa PET case no. 004 kaugnay ng electoral protest ni 2010 vice-presidential candidate Mar Roxas laban kay Jejomar Binay.
Nais ng grupo sa kanilang petisyon na parusahan sa paglabag sa direct, indirect contempt sina Comelec Chairman Brillantes at Commissioners Lucenito N. Tagle, Elias R. Yusoph, Cristian Robert Lim, Ma. Gracia Cielo M. Padaca, at Al A. Pareno dahil sa pagbalewala sa kautusan ng PET na protektahan ang mga PCOS machine at ilagak sa Cabuyao warehouse.
“It’s timely to jail Brillantes, et. al, as a penalty on contemptuous acts done to PET for brazenly violating the tribunal’s precautionary protection order. If Senators are jailed for corruption, then so be it for Comelec officials, that is so urgently necessary,” paliwanag pa ng MAGAP spokesman.
Wika naman ni Lazaga na pangulo ng Anti-Corruption League of Laguna, Inc. (ACLL-inc), kung nagagawa nila na lapastanganin ang PET na siya rin ang Korte Suprema, paano na kung pabayaan ang mga ganitong mga opsiyales sa paglabag sa batas, dapat ikulong natin ang mga abusado at nagkasala.
Anila, inamin mismo ng Comelec spokesman na si Dir. James Jimenez na inilipat nila sa ibang warehouse ang mga PCOS machines na walang pagpayag ng PET dahil sa kanilang paniniwala na wala silang nalabag na batas.