MANILA, Philippines - Matapos ang 5.8 magnitude na lindol na tumama sa Metro Manila nitong nakaraang Miyerkules, nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa bawat pamilya na maghanda na ng kanilang “Emergency Go Bag” na maglalaman ng mga importanteng bagay at pagkain na magagamit sa panahon ng trahedya.
Maaaring lamanin ng Go Bag ang mga first aid kits, flash light, maliit na transistor radio, mga baterya, pito, lubid, pagkain na tumatagal tulad ng crackers, tubig at iba pa. Kailangan umanong tumagal ang laman ng Go Bag ng hanggang limang araw.
Bahagi ang paghahanda ng “Go Bag” sa ibinibigay na “disaster preparedness training” ng MMDA patikular sa kanilang Rescue and Disaster warehouse na nasa Marikina City na maaaring daluhan ng publiko para malaman ang gagawing paghahanda sa oras ng kalamidad at mga trahedya.
Pinangangambahan ang posibilidad na isang mas malakas na lindol ang tumama sa Metro Manila dahil sa malaking “fault line” na bumabagtas sa buong Kamaynilaan at karating lalawigan.
Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na bagama’t walang pagkawasak na idinulot ang 5.8 na lindol nitong Miyerkules, posibleng masundan pa ito ng mga “aftershocks” na minsan ay mas malakas pa sa orihinal na lindol.