MANILA, Philippines - Sinisimulan nang buksan ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon laban kina Budget Sec. Butch Abad at Agriculture Sec. Proceso Alcala na idinadawit din sa multi-billion peso pork barrel scam.
Gayunman, tumanggi munang magbigay ng detalye si DOJ Sec. Leila de Lima kung kelan ang pormal na pagsisimula dahil dumadaan pa umano sa vetting process ang mga listahan at affidavit na ibinigay ng binansagang “Pork Barrel Queen” na si Janet Lim-Napoles.
Maalala na idinawit ni Napoles ang dalawang opisyal sa umano’y nakinabang sa paggamit ng Priority Development Assistanc Fund (PDAF) ng mga mambabatas upang ilagak sa mga bogus na NGOs nito.
Sa ngayon ay dinedetermina ng DOJ sa kanilang vetting process kung may sapat bang basehan at ebidensiya ang pag-aakusa ni Napoles bago ito irekomenda sa Ombudsman.
Tiniyak naman ni de Lima na hindi makakaapekto sa kanilang pag-iimbestiga ang pagiging magkaalyado nila nina Abad at Alcala, dahil sa mas nananaig ang pagtalima nila sa mandatong ipinagkatiwala sa kanilang ahensiya.