MANILA, Philippines – Hindi naghain ng plea si Senador Ramon "Bong" Revilla Jr. ngayong Huwebes matapos basahan ng sakdal sa Sandiganbayan.
Sa halip ay si First Division Chairman Associate Justice Efren dela Cruz na ang naghain ng not guilty plea para sa senador.
Nahaharap si Revilla sa kasong pandarambong at 16 kaso ng graft dahil sa pagbubulsa umano ng bahagi ng kanyang Priority Development Assistance Fund sa pamamagitan ng pagpapasok nito sa mga pekeng non government organizations ni Janet Lim-Napoles.
Samantala, nagpasok naman ng not guilty na pleading si Napoles at Richard Cambe, ang senior staff ni Revilla sa Senado.
Nahaharap rin sa parehong kaso sina Senador Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile.
Kasalukuyang nakakulong sina Revilla at Estrada sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame Quezon City.