MANILA, Philippines - Itinakda na ng Sandiganbayan sa Hunyo 26 at 30 ang pagbasa ng sakdal kina Senators Bong Revilla at Jinggoy Estrada sa kasong plunder at graft kaugnay ng pork barrel scam.
Gayunman, nilinaw ni Renato Bocar, executive clerk of court ng Sandiganbayan na sa mga akusado na patuloy na nakakalaya ay isasagawa lamang ang arraignment sa kanila oras na sila ay mahuli.
Si Revilla ay sinasabing kumolekta ng halagang P224.512 milyong kickbacks mula 2006 hanggang 2010 mula sa umano’y illegal na paglustay ng kanilang Priority Development Assistance Funds (PDAF). Si Revilla ay may isang count ng kasong plunder at 16 counts ng graft.
Si Jinggoy naman ay nakakolekta umano ng P183.795 milyong komisyon mula sa kanyang PDAF mula 2004 hanggang 2012. Si Estrada ay may isang count ng plunder at 11 counts ng graft.
Kasama ni Revilla sa hanay ng mga akusado sa plunder case sina dating legislative officer Richard Cambe, Janet Lim-Napoles, tauhan ni Napoles na si John Raymund de Asis, pamangkin nitong si Ronald John Lim. Tanging sina Revilla at Cambe ang sumuko sa kanila samantalang si Napoles ay nakapiit na sa Laguna.
Kasama ni Revilla sa kasong graft sina Napoles, Cambe, de Asis, Budget Undersecretary Mario Relampagos, Antonio Ortiz at Dennis Cunanan na pawang opisyal ng Technology Livelihood Resource Center; Allan Javellana na dating presidente ng National Agribusiness Corp.; Gondelina Amata, presidente ng National Livelihood Development Corp. at ilang empleyado ng TRC, Nabcor at NLDC.
Kasama naman ni Estrada sa kasong plunder sina Napoles, de Asis at Pauline Labayen na dating deputy chief of staff ni Estrada.Si Labayen ay patuloy na nakalalaya.
Ang mga kasama ni Estrada sa kasong graft ay sina Labayen, Napoles, de Asis, Relampagos; Javellana, Ortiz, Cunanan; Amata at ilang Nabcor, NLDC at TRC employees.