MANILA, Philippines - Positibo si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na katulad ng mga nakaraan niyang karanasan, muli siyang palalayain ng korte kahit pa arestuhin siya dahil sa kasong plunder.
Nakatitiyak si Enrile na makikita ng korte na wala siyang kasalanan at muli siyang makakalabas upang ipagpatuloy ang serbisyo bilang senador.
Ikinuwento pa ni Enrile na halos tuwing dekada ay palagi siyang nakukulong simula ng pumasok siya sa pulitika.
“Tuwing dekada ba, simula nung ako’y pumasok sa pulitika pagkatapos ng EDSA Revolution, ako ay nakukulong. Kinulong ako nung panahon ni Ginang presidente Cory Aquino, (kinasuhan ako) ng rebellion complex with murder. Ikinulong ako at 10 araw ako nakakulong sa (Camp) Karingal,†ani Enrile sa kanyang talumpati sa harap ng mga opisyal ng Cagayan sa isang pagtitipon sa Senado noong Huwebes ng gabi.
Kahit aniya noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo ay nakaranas rin siyang makulong pero pinakawalan din.
Sa lahat aniya ng pagkakataon ay palaging dumudulog sa Supreme Court si Enrile at palagi naman siyang napapalaya. Umaasa ang senador na mauulit ang kanyang karanasan sa sandaling iakyat niya sa SC ang kinakaharap na kasong plunder.