Revilla inatake ng migraine

MANILA, Philippines – Ilang oras pa lamang ang itinatagal ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kanyang kulungan ay uminda na siya ng pananakit ng ulo, ayon sa kanyang abogado ngayong Biyernes.

Sinabi ni Joel Bodagon na inatake ng migraine ang kanyang kliyente dahil sa kainitan sa loob ng kulungan sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame.

"Masyadong mainit," wika ni Bodegon sa isang panayam sa radyo. "May migraine siya, that's why he needs some medicine."

Kaugnay na balita: Bong nakakulong na!

May lawak na 32 metro kuwadrado ang kulungan ni Revilla na may isang bintana, isang bintilador, at kama.

Sinabi pa ni Bodegon na humiling ang asawa ng senador na si Cavite Rep. Lani Mercado na magkaroon ng “cooler” sa loob ng selda.

Sumuko kaninang tanghali si Revilla sa Sandiganbayan bayan matapos ilabas ng first division ang arrest warrant.
 

Show comments