MANILA, Philippines - Nakatakda nang ilabas ng Sandiganbayan ngayong Huwebes ng hapon ang warrant of arrest para kay Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr., matapos ideklara ng korte na mayroon itong nakitan basehan upang ituloy ang kasong pandarambong ng senador kaugnay sa pork barrel fund scam.
"The evidence in support thereof and the records of the preliminary investigation attached thereto, it appears that sufficient grounds exist for the finding of probable cause for the purpose of issuing a warrant of arrest against the accused charged in the instant cases," anang korte sa anim-pahinang resolution ng First Division.
Kasama sa naturang resolusyon ang dating chief of staff ni Revilla na si Richard Cambe at 31 pang indibidwal.
Nahaharap ang senador sa 16 counts ng kasong pandarambong at graft sa First Division.
Sina Senador Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada ay nahaharap rin sa parehong kaso sa Third at Fifth divisions ng anti-graft court dahil din sa umano'y pakikinabang nila sa bilyun-bilyong pork barrel fund scam.
Isinusulat ang balitang ito ay ginagawa na ang mga warrant of arrest laban sa senador at iba pang akusado.