VIP treatment sa high profile inmates
MANILA, Philippines - Sinibak kahapon ng Department of Justice (DOJ) si New Bilibid Prison (NBP) Chief FaÂjarÂdo Lansangan at 12 pang jail guards dahilan sa umano’y VIP treatment sa mga high-profile inmate.
Kaugnay ito ng pagpayag na maipagamot sa pribadong ospital ang ilang preso mula sa maximum security compound.
Pinakakontrobersyal ang pagkaka-confine ni Ricardo Camata, lider ng Sigue Sigue Sputnik gang, sa Metropolitan Hospital sa Maynila upang magamot umano sa sakit sa baga pero napabalitang binisita ng tatlong babae.
Inamin naman umano ni Camata na may bumisita sa kanyang babae noong Mayo 31 pero itinanggi nito na may dalawa pang babaeng inihatid sa kanyang kwarto kinabukasan.
Sa CCTV ng ospital ay nakita na may mga babae ngang dumalaw sa naturang inmate.
Labis namang ipinagtataka ni NBP Usec. Francisco Baraan kung bakit dinala sa ospital si Camata gayong mas malakas pa anya ito sa kanya.
Pagpapaliwanagin naman ng DOJ ang mga doktor at nurse ng NBP sa pagpayag nitong ma-confine pa sa ospital ang ilang inmate.
Iimbestigahan din ang pagpapagamot ng dalawa pang preso na sina Herbert Colangco, lider ng isang bank robbery gang at convicted drug lord na si Amin Buratong.
Si Supt. Robert Rabo ang pansamantalang hahalili sa pwesto ni Lansangan.