MANILA, Philippines - Minaliit ng Malacañang ang mga naglalabasang "draft letters" na may pangalan ng ilang mambabatas at ni Executive Secretary Pacquito Ochoa Jr., na nakita sa digital records ni pork barrel scam whistleblower Benhur Luy.
"Hence, these could hardly be considered as having any probative value," ani Presidential Communications Operations Office head Herminio Coloma Jr.
Kabilang sa mga nakita sa digital records ni Luy ay dalawang draft letter na naka-address kay Ochoa at humihingi ng P250 milyon na pondo para sa mga livelihood projects sa mga magsasaka.
Walang signatory ang naturang liham.
Dalawa pang liham na naka-address naman kay Pangulong Aquino ang nakita sa mga files ni Luy. Humihingi ang signatory ng P300 milyon na pondo para sa mga proyekto sa mga binahang lugar sa Misamis Oriental at Cagayan de Oro.
May liham ding nakita na nakapangalan naman kay Senate minority leader Juan Ponce Enrile at naka-address kay Agrarian Reform Secretary Virgilio delos Reyes.
Sa kanyang testimonya sa mga pagdinig sa Senado, sinabi ni Luy at ng ibang mga kasamahan niyang testigo sa pork barrel scam na inuutusan sila ni Janet Lim Napoles na dayain ang lagda sa mga naturang draft letter.
Ani Luy, pinapayagan si Napoles ng mga kakutsaba niyang mga mambabatas para dayain ang kanilang mga lagda.
Makalipas ang ilang buwan na pagmamatigas, inamin na rin ni Napoles ang kanyang partisipasyon sa pork barrel scam. Gayunman, iginiit niyang hindi siya ang utak ng operasyon.
Pinag-aaralan pa ng pamahalaan kung dapat gawing testigo ng gobyerno si Napoles.