MANILA, Philippines - Lumago lamang ng 5.7 porsiyento ang ekonomiya ng Pilipinas sa unang tatlong buwan ng 2014, mas mababa sa 6.5 hanggang 7.5 porsiyento na full-year target ng pamahalaan.
Ayon kay National Statistician Lisa Grace Bersales nitong Huwebes, ang 5.7 porsiyento na gross domestic product (GDP) growth ay malaking baba sa 6.3-porsiyento na growth noong tatlong huling buwan ng taong 2013 at sa 7.7 porsiyento na growth ng unang tatlong buwan ng taong 2013.
Sinabi ni Bersales na ang 5.7 porsiyento na paglago ay dahil sa services sector na lumakas ng 6.8 porsiyento at ang industry sector na lumaki ng 5.5 porsiyento.
"Among the three major economic sectors, services made the highest contribution to the GDP growth in the first quarter of 2014 contributing 3.8 percentage points followed by industry with 1.8 percentage points, and the whole agriculture sector with 0.1 percentage point," ani Bersales.
Sinabi naman ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na ang mabagal na paglago na naitala mula Enero hanggang Marso ng taong ito ay dahil sa patuloy na nararamdaman ang epekto ng mga kalamidad sa Visayas, partikular ang paghagupit ng bagyong YOlanda at ang malakas na lindol sa Bohol.
"The relatively slow growth is expected, given the magnitude of the destruction in production capacity. In agriculture, permanent crops, notably coconuts, were felled. Damage to agricultural output also disrupted supply chains, which may partly explain why food manufacturing output also declined," ani Balisacan.
Bumaba rin aniya ang turismo at insurance industries dahil sa mga kalamidad.