MANILA, Philippines - Muling nagsagawa ng imbestigasyon ang House Committee on Good Government sa ilang opisyal ng Metro Rail Transit (MRT) na umano’y nangikil ng 30 milyong dolyar sa kumpanyang Inekon kapalit ng kontrata sa bibilhing mga bagong bagon.
Subalit sa ikalawang pagkakataon ay hindi nakasipot sa pagdinig si Czech Ambassador Josef Rychtar at nagpadala lamang ng pirmado at notarized na affidavit nito kay Cong. Oscar Rodriguez na chairman ng komite kaya sina DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya at MRT outgoing chairman Al Vitangcol lang ang nakadalo.
Kalakip ng liham ni Rychtar ang kopya ng affidavit nito kung saan nakasaad ang alegasyon laban kay Vitangcol tungkol sa tangkang extortion subalit pag-uusapan pa umano ng komite kung ano ang bigat ng pirmado at notarized affidvit ng ambassador dahil hindi pa naman ito pinanumpaan sa harap ng komite.
Samantala, iniimbestigahan na rin ng DOTC ang mga alegasyong nagsasangkot kay Vitangcol sa anomalya sa MRT-3 maintenance contract.
Napaulat na ini-award umano ni Vitangcol ang P517-milyong kontrata para sa maintenance ng MRT-3 expansion project sa PH Trams ng walang public bidding.
Inamin naman ni Vitangcol na tiyuhin niya si Arturo Soriano na isa sa incorporators ng PH Trams subalit matagal na umano itong wala sa naturang kumpanya bago pa makuha ang nasabing kontrata.
Pinabulaanan din ni Vitangcol na kakilala niya si Wilson de Vera na middle man umano sa gitna ng extortion at nakilala lamang niya ito ng makuha ng PH Trams ang maintenance contract sa MRT3.
Batay sa procurement law, kailangang ipaalam ng bidder sa ka-transaksyong kumpanya kung may kamag-anak ang mga kawani nito hanggang sa third degree.
Aniya, pasok sa third degree of consanguinity ang relasyon ni Vitangcol kay Soriano.
Si Light Rail Transit Authority administrator Honorito Chaneco ang pansamantalang officer-in-charge ng MRT-3. (Gemma Garcia/Mer Layson)