Vitangcol ‘fall guy’ - UNA

MANILA, Philippines - Kinuwestiyon kahapon ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang tiyempo ng pagbibitiw ni Metro Rail Transit-3 General Manager Al Vitangcol III sa tungkulin bago pa man simulan ang imbestigasyon ng Kongreso sa tangka umanong pangingikil ng $30 milyon sa isang kumpanyang Czech noong 2012.

Si Vitangcol na tinanggal sa puwesto noong Mayo 26 ay nahaharap sa mga tanong hinggil sa iba pang maanomalyang transaksiyon na pinasok ng MRT-3 kabilang ang napaulat na P517-million maintenance contract sa PH Trams na isa sa mga incorporator ay tiyuhin ng kanyang maybahay.

Pinuna ni Tiangco na merong nangyayaring hindi maganda sa paiba-ibang pahayag ni  Transportation Sec. Joseph Abaya hinggil sa pagbabakasyon, pagtanggal o pagbibitiw ni Vitangcol bilang general manager ng MRT-3.

Ayon kay Tiangco, isang malaking kuwestiyon ang biglang ‘pagbibitiw’ ni Vitangcol sa tungkulin dahil na rin sa imbestigasyon sa umano’y tangkang pangingikil sa train builder na Inekon sa harap ni Czech Ambassador Josef Rychtar.

Sinabi pa ng secretary-general ng United Nationalist Alliance (UNA), noong kasagsagan ng mga ulat sa kontrobersiya sa pangingikil sa Inekon, tumanggi si Vitangcol na bumaba sa puwesto kahit direkta siyang pinangalan ni Rychtar bilang isa sa personalidad sa likod ng kontrobesiyal na MRT-3 expansion program contract.

Nakapagtataka anya ang biglang pag-alis kay Vitangcol sa MRT-3. “Maaaring merong dahilan sa likod ng kanyang pagbibitiw. Maaaring isa itong game plan para patahimikin siya at mailigtas ang mas malaking isda,” sabi pa ni Tiangco.

Idinagdag ni Tiangco na sa madaling salita, ginawang fall guy umano si Vitangcol para ilihis ang imbestigasyon.

 

 

Show comments