Tacloban City, Philippines - - Umapela sa pamahalaan ang isang doktor na maglagay na ng psychiatric clinic sa kanilang lalawigan dahil sa umano’y dumaraming kaso ng nawawala sa tamang pag-iisip at mga insidente ng tangkang pagpapakamatay ng ilang survivors ng supertyphoon Yolanda.
Sinabi ni Dr. Wilfredo Liao, medical director ng Doña Remedios Trinidad Romualdez Medical Foundation, nakapagtala na sila ng 3 kaso ng suicide kabilang dito ang isang lalaki na namatay sa kumplikasyon makaraang silaban ang sarili dahil sa sobrang depresyon ng mamatay ang kanyang pamilya dahil sa naturang bagyo.
Bukod dito, kung mag-iikot ka rin umano sa buong siyudad ay mapapansin din na maraming tao ang nagÂlalakad ng hubo’t hubad na halos tuliro at hindi alam kung saan pupunta.
Nabatid na walang ospital sa lalawigan para sa mga kasong nawawala sa matinong pag-iisip kaya kailangan magpatayo ang gobyerno nito dahil ayaw naman nilang ihalo sa ibang pasyente ang mga ito.
Ito ay dahil mayroon din umanong mga pasyente sa loob ng ospital na nagtatangka rin magpakamatay kahit naka-confine na at ang isa nga rito ay binawian na ng buhay dahil sa kumplikasyon.
Paliwanag naman ni Mayor Alfred Romualdez, sa ngayon ang tanging magagawa lamang ng lokal na pamahalaan ay ang pagsasagawa ng stress debriefing sa Yolanda survivors subalit limiÂtado na ang kanilang pondo kaya hindi sila makapagpagawa ng psychiatric hospital.
Ang ugat umano ng pagkawala sa sariling pag-iisip ng mga survivors ay ang pagkawala ng kanilang bahay, pagkukunan ng pagkakakitaan kasabay pa ang pagharap sa ibang uri ng problema sa araw-araw kaya bumibigay ang mga ito, ayon kay Dr. Liao.