MANILA, Philippines - Sinisi nina Gabriela partylist Reps. Luzviminda Ilagan at Emmi de Jesus ang gobyerno sa pagkamatay ng sanggol na isinilang ni Andrea Rosal, na anak ng dating CPP-NPA spokesman na si Ka Roger Rosal.
Sinabi ng dalawang kongresista, si Andrea at ang baby nitong si Diona Andrea ay biktima ng ‘Oplan Bayanihan’, ang counter insurgency program ng sandatahang lakas ng Pilipinas.
Si baby Diona Andrea ay binawian ng buhay dalawang araw matapos itong maisilang ng kanyang ina noong Mayo 17 dahil sa hypoxemia o kakulangan ng oxygen sa kanyang dugo.
Tinawag ni Ilagan na murder ang pagkamatay ni baby Diona Andrea dahil ipinagkait umano ng pamahalaan ang kinakailangang medical check up ng ina nito bago pa nagsilang ang sanggol.
Kailangan din umanong managot ang gobyerno dahil ang ginawang pagtrato kay Andrea ay paglabag na sa international humanitarian law partikular sa aspeto ng pangangalaga sa buntis na babae na itinuturing na prisoners of war.
Pewede din umanong kasuhan ang mga custodian ni Andrea dahil sa paglabag sa anti torture law bunsod ng hindi pagbibigay ng tamang atensiyong medikal para rito.
Samantala, umapela naman ang Armed Forces of the Philippine (AFP) sa makakaliwang grupo na kalaban ng pamahalaan na huwag gamitin sa anumang ‘political agenda’ ang pagkamatay ng bagong silang na sanggol ni Andrea Rosal.