Sa magkakaibang listahan: Mag-asawang Napoles pinagpapaliwanag

MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ni ABAKADA Rep. Jonathan dela Cruz ang mag-asawang Janet at Jimmy Napoles na magpaliwa­nag tungkol sa magka­ibang listahan na ibinigay kay Justice Secretary Leila De Lima at rehab czar Panfilo ‘Ping’ Lacson hinggil sa  kung sino ang mga sangkot sa pork barrel scam upang wala nang mangyaring circus na ikinalito ng taumbayan.

Unang pagkakataon na naghamon ang isang congressman ng direktang interogasyon kay Napoles sa kinaroroonan nitong ospital.

Kahit anya, na sinumite na ni Justice Sec. De Lima ang kaniyang kopya ng Napoles list sa Senado, nananatili ang pagdududa ng taumbayan sa buong Kongreso.

“Imbes na luminaw ay lalong gumulo ang sitwasyon dahil sa paglalabasan ng magkakaibang kopya kuno ng Napoles list mula sa iba’t ibang tao,” ayon kay Dela Cruz.

Inihayag pa ni Dela Cruz, na polluted na ang testimonya ng tinaguriang utak ng pork barrel scam na naglalayon lang umanong i-persecute ang mga nasa oposisyon.

Binuweltahan din ni Dela Cruz, ang umanoy special treatment ng gobyerno kay Napoles na nauna nang nagbanta na mas matindi ang kanyang ikalawang affidavit na  tutukoy sa marami pang sangkot sa anomalya.

Iginiit pa ng kongresista na kaduda-duda at kuwestiyunable na ang mga ikinikilos ni Napoles mula ng sumuko ito sa Pangulong Aquino at lumilinaw na ang pagiging alagad ito ng administrasyon kaya dapat lamang umanong idiretso sa basurahan ang mga testimonya at rebelasyon nito.

 

Show comments