MANILA, Philippines - Iginiit ni Senator Koko Pimentel na dapat isama sa ginagawang imbestigasyon ng gobyerno tungkol sa P10 bilyong pork barrel fund scam ang asawa ni Janet Lim-Napoles na si Jimmy Napoles.
Ayon kay Sen. Pimentel, dahil si Jimmy Napoles ang source ng listahan na natanggap ni dating senador at ngayon ay rehabilitation czar Panfilo Lacson na isinumite na rin sa Senado, dapat tawagin na rin ito sa imbestigasyon at malaman kung ano ang partisipasyon niya sa scam.
Ayon pa kay Pimentel, posibleng may alam si Jimmy sa PDAF scam at posibleng may “personal involvement†din ito sa nangyari.
Bilang isang edukadong tao aniya, hindi maaring ikatuwiran ni Mr. Napoles na hindi niya alam na ilegal ang pagbibigay ng kickbacks sa ilalim ng batas.
Idinagdag ni Pimentel na dapat pang palalimin ang imbestigasyon ng Department of Justice at walang dapat palampasin upang hindi pagdudahan ng publiko ang kredibilidad nito.
Kabilang ang pangalan ni Pimentel sa sinasabing tumanggap ng kickbacks sa pork barrel fund scam pero agad niyang itinanggi ito at sinampahan pa ng reklamo ang ilang opisyal ng Department of Agriculture sa Office of the Ombdudsman.