MANILA, Philippines - Nakatutok ngayon ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagmo-monitor sa presyo ng mga school supply dahil sa nalalapit na pagbubukas ng klase.
Sa pahayag ni DTI Undersecretary Zenaida Maglaya, paiigtingin pa nila ang mga isasagawang surprise inspection sa mga pamilihan lalo na sa Metro Manila partikular sa bahagi ng Divisoria na siyang dagsaan ng mga magulang na namimili ng gamit pang-eskuwela ng kanilang mga anak.
Sinabi ni Maglaya, muli silang magpapalabas ng Suggested Retail Price (SRPs) sa mga susunod na araw para sa school supply na siyang magsisilbing gabay ng mga mamimili at sa pamamagitan nito ay maiwasan rin ang mga overpricing.
Inihahanda na rin ng ahensiya ang ipapakalat nitong Diskwento Caravan hindi lamang sa Metro Manila kundi sa iba’t ibang panig ng bansa.
Apela pa ni Maglaya sa publiko, na huwag sayangin ang pagkakataong mamili sa Diskuweto Caravan dahil nagbibigay ito ng mula 50 hanggang 70 diskuwento sa mga binebentang produkto.