MANILA, Philippines – Mariing tinutulan ng kampo ng whistleblower na si Benhur Luy ang ideyang gawing state witness ang itinuturong mastermind sa pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ng abogadong si Raji Mendoza na kung gagawing testigo si Napoles ay isa itong tagumpay para sa mga nais manggulo sa imbestigasyon.
"Hindi po dapat mangyari 'yan. Sapagkat kapag nangyari 'yan eh nag-succeed na po sila sa panggugulo ng kasong ito at palagay ko po magagalit lamang po tayo diyan, mga taumbayan, hindi na po yata tama 'yan,†wika ni Mendoza sa dzMM.
Kaugnay na balita: Listahan ni Benhur hiningi ng Senado
Dagdag niya na sa kulungan dapat ang bagsak ni Napoles at hindi sa witness protection program ng Department of Justice.
"Kung meron pong dapat makulong diyan, walang iba kundi si Ginang Napoles, dapat makulong siya. Hindi po siya dapat mapawalang-sala."
Iginiit ng abogado na huwag magpapalinlang sa mga iba't ibang listahan dahil ang hawak nilang impormasyon ang tunay na pinagtibay pa ng mga ebidensya.
Kaugnay na balita: PNoy: Ebidensya muna bago sibak
"It's time to go into the evidence, hindi lang naman po 'yang listahan na 'yan. Meron pa tayong documentary evidence from the implementing agencies, meron po tayong COA report, meron po tayong ibang witnesses."
Samantala, ayaw namang ipasapubliko ni Luy ang impormasyong ibinigay niya sa Senate Blue Ribbon Committee tulad ng ginawa ng Senado sa listahang ipinasa ni dating Senador Panfilo Lacson.
"Benhur, has not authorized anyone... to copy or to disseminate that information."