MANILA, Philippines - Mariing kinondena ni dating Environment Secretary at Buhay partylist Rep. Lito Atienza ang pagpuputol ng mga puno ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paanan ng Bundok Makiling sa Los Baños, Laguna.
Sa privilege speech ni Atienza, sinabi nito na hindi niya papayagan na ang natural resources ng bansa ay masasakripisyo para lamang sa progreso.
Ang tinutukoy ni Atienza ay ang 18 puno na tinatayang mahigit na sa 50 taong gulang ang pinutol sa Barangay Timugan para sa road-widening project ng DPWH ng walang kaukulang permiso mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Paliwanag pa ng mambabatas, dapat na matuto na sa nararanasang matinding init sa ngayon dahil sa kawalan ng mga puno sa bansa kaya dapat na mas dapat na magtanim ng maraming puno at alagaan ito.
Umapela ito sa DPWH at DENR na suriin mabuti ang nasabing isyu.
Samantala pinapurihan naman nito si Congressman Joaquin Chipeco, Jr. ng 2nd District ng Laguna dahil sa agad nitong pagpapatigil sa nasabing proyekto.