MANILA, Philippines - Ibinasura ng Regional Trial Court ng Rizal ang kasong libelo laban sa bantog na televangelist na si Eliseo “Bro. Eli†Soriano matapos ang 13 taong pagdinig sa kaso.
Sa desisyon ni Judge Josephine Zarate ng Branch 76, Rizal RTC, sinabi niya na nabigo ang mga nagreklamo sa pangunguna ni Bernardo Santiago na may “malisya†(malice) sa mga umano’y nasabi ni Soriano sa kanyang broadcast noong Setyembre 7, 2001 kung kaya siya inireklamo ng libel sa ilalim ng CC No 5957.
Ang malisya ay isa sa mga rekisitos ng libel batay sa itinatakda ng Article 355 ng Revised Penal Code.
Si Soriano ay higit na kilala bilang si ‘Bro. Eli’ at Presiding Minister ng Members Church of God International (MCGI) na mas kilala naman bilang ang ‘Ang Dating Daan’ (ADD).
Si Bernardo naman ay matagal nang inalis ni Bro. Eli sa kanilang kasapian dahil umano sa kasong ‘adultery’ at lumipat naman sa Iglesia ni Cristo (INC).
Noong Pebrero 11, 2010, ibinasura na rin ng Marikina RTC sa ilalim ni Judge Geraldine Fiel-Macaraig, Branch 192, ang kasong ‘frustrated murder’ (CC No. 2002-4236-mK) laban kay Bro. Eli na isinampa rin sa kanya ni Bernardo at iba pang kasapi ng INC dahil sa kakulangan ng ebidensiya (insufficiency of evidence).
Isa pa ring kaso ng libelo (CC No. Q-05-136679) laban kay Bro. Eli at apat pa niyang kasamahan ang ibinasura rin ni Judge Jose Paneda ng Branch 220 ng Quezon City Regional Trial Court noong Enero 21, 2005.
Ang reklamo ay isinampa ni Bernardo, Marianito Cayao at Ramil Parba, pawang kasapi ng INC.
Katulad ni Bernardo, si Cayao ay tinanggal rin ni Bro. Eli sa kanilang kasapian.
Sa tatlong nabasurang kaso, isa si Bernardo sa mga nagreklamo.