Singil sa kuryente bababa ngayong Mayo

MANILA, Philippines - Nabago ang unang anunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) dahil sa halip na magtaas ay magbababa pa sila ng singil sa kuryente nga­yong Mayo.

Ayon sa Meralco, ma­kakaasa ang mga consumers ng P0.05 kada kilowatt hour (kWh) na bawas-singil sa kuryente ngayong buwan.

Mababawas umano ito sa overall pass-through charge kabilang ang ge­neration charge, transmission charge, system loss at iba pa.

Nabatid na ang pagbaba ng singil ay bunsod nang pagbaba ng ilang component tulad ng transmission, system loss at iba pang charges kahit tumaas pa ng P0.07 kada kWh ang generation charge.

Anang Meralco, para sa tahanan na kumukonsumo ng 101 kWh kada buwan ay makakaranas sila ng P5 ang bawas-singil sa kuryente habang P10 naman ang bawas sa kumukonsumo ng 200 kWh at lagpas sa P15 ang kaltas sa bill ng 300 kWh.

Ipinaliwanag ng Meralco na nakatulong ang pagkontrata nito sa ibang power plants sa halip na bumili ng kuryente sa spot market.

Una nang inanunsyo ng Meralco na magtataas-singil sila sa generation charge dahil sa malakas na pagkonsumo ng kur­yente ngayong summer season.

Show comments