MANILA, Philippines - Naaresto ng mga tauhan ng PNP Region 3 ang misis ng utak sa Aman Futures scam kamakailan sa lalawigan ng Pampanga.
Sinabi ni Chief SupeÂrintendent Raul Petrasanta, region 3 PNP director, ang naaresto ay nakilalang si Abigail Pendulas, maybahay ng utak ng Aman Futures na si Manuel Amalilio.
Ayon kay Petrasanta, naaresto ng kanyang mga tauhan si Pendulas nitong May 2 sa Party Place sa Dolores, San Fernando City. Gumamit pa umano ito ng bagong pangalan na Azziah de Guzman at nagparetoke ng kanyang ilong.
Wika pa ni Petransanta, nakatanggap ng intelligence report ang Regional Intelligence Division ng Camp Olivas sa pamumuno ni Chief. Insp. Melvin Montante na nasa Party Place si Pendulas kasama ang isang May Leechelle Ohales.
Bumuo agad ng team si C/Insp. Montante upang isilbi ang warrant of arrest laban sa maybahay ng utak ng Aman Futures kung saan ay tinangkang tulungan ng kasama nito na makatakas sa pamamagitan ng paggawa ng eksena sa kilalang party destination pero naawat ito ng mga awtoridad.
Magugunita na ang mister ni Pendulas na isang Malaysian at founder ng Aman Futures Group Inc., ay libong investors ang ‘naloko’ nito sa kanilang pyramiding scheme kabilang na ang mga local government executives at tinatayang nasa P12 bilyon ay nakamal nito sa illegal nilang gawain. Naaresto si Amalilio sa Sabah, Malaysia noong nakaraang taon.
Tumanggi ang Malaysian authorities na ibigay si Amalilio sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa may kinakaharap itong kasong falsification sa kanyang travel documents.